Nanawagan si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa Office of the President na imbestigahan ang umano’y diskriminasyon sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng “Bawat Barangay Makikinabang” at “Bawat Bayan Makikinabang.”
Ayon kay Leviste, may ulat na naaapektuhan ng pulitika ang distribusyon ng pondo, kabilang ang umano’y paghingi ng komisyon kapalit ng alokasyon. Iginiit din niyang hindi bababa sa 84 barangay sa Batangas ang hindi umano naisama sa pamamahagi ng tig-P200,000 ayuda sa pangunguna ni Pres. Ferdinand Marcos Jr..
Lumabas din ang alegasyon na may ilang barangay officials na hindi naimbitahan dahil umano sa hindi pagdalo sa pulong kasama si Batangas Governor Vilma Santos-Recto, bagay na kinuwestyon ni Leviste bilang hindi dapat maging basehan sa distribusyon ng pondo.
Hinimok ng kongresista ang pamahalaan na ilabas ang detalyadong listahan ng pondong naipamahagi sa bawat barangay at bayan. Iminungkahi rin niya ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax at VAT sa langis hangga’t hindi naaayos ang sistema ng pamamahagi ng ayuda. (Report by Bombo Jai)















