Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na handa ang kanilang mga tauhan sakaling magkaroon ng panibagong serye ng kaguluhan sa pagtatapos ng halalan sa BARMM mula sa mga kandidatong bigong makakuha ng posisyon.
Matatandaang naging mainit ang naging proseso ng halalan na nagtala ng ilang kaso ng pamamaril at rayot sa pagitan ng mga hindi pa natutukoy na grupo.
Ilan sa mga lugar na nagtala ng mga insidente ay sa Cotabato at Maguindanao del Sur habang nagpapatuloy ang botohan kahapon, Setyembre 14. Nagdulot ito ng banta sa buhay ng ilang residente at naminsala rin sa kanilang kagamitan.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nagpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang maayos na maitalaga ang mga tauhang magiging unang reresponde na magtitiyak ng kaligtasan ng mga botante at ng kapayapaan sa eleksyon at proklamasyon.
Samantala, kaugnay ng mga nadiskubreng social media pages na umano’y nagpapakalat ng fake news kaugnay ng election, sinabi ni Padilla na patuloy itong sinusuri at bini-beripika ng mga awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng mga impormasyong maaaring maging ugat ng panibagong kaguluhan.
Tinitingnan din aniya nila ang posibilidad na may foreign actors o dayuhang grupo na nagtatangkang impluwensyahan ang ilang residente sa rehiyon upang magsagawa ng mga hakbang na maaaring magpalala sa sitwasyon.
Nanawagan si Padilla sa publiko na kilalanin at pahalagahan ang proseso ng halalan upang matigil na ang tensyon at kaguluhan. Pinasalamatan din niya ang mga residente na ginamit ang kanilang karapatang bumoto upang makapaghalal ng karapat-dapat na lider ng kani-kanilang lungsod.















