ROXAS CITY – Hinamon ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro si Sen. Panfilo Lacson na pangalanan ang source nito sa alegasyong may ipapasok na pork barrel fund ang Kamara sa 2020 proposed national budget.

Ito ay kasunod nang isiniwalat ni Lacson na para umano sa mga deputy speakers ang hirit na karagdagang P1.5 billion na budget ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Castro, hindi nila mabatid ng kasamahan nitong mga mambabatas kung ano ang basehan ni Lacson sa kaniyang mga alegasyon.

Dapat umano ay makipagtulungan sa kanila ang senador upang malaman ang katotohanan.

Idinagdag pa nito na maliban sa parliamentary courtesy ay constitutional duty din ni Lacson na alamin kung totoo ang nakalap nitong impormasyon bago ito ilabas sa publiko.

Ayon sa kongresista nasisira ang reputasyon ng Kamara dahil lamang sa mga impormasyong inilalabas ng senador na wala pa naman umanong basehan.