Pinagtibay ng Sandiganbayan Special Third Division ang desisyon nitong i-acquit si dating Senador at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Sa resolusyong inilabas noong Mayo 29, 2025, kinatigan din ng korte ang pag-absuwelto sa kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes at kay Janet Lim Napoles, na nahatulan na ng graft sa ibang kaso.
Mababatid na binasura ng korte ang apela ng prosekusyon na nagsabing may testimonya sina Benhur Luy at Ruby Tuason na nagpapakitang pinayagan ni Enrile ang paggamit ng kanyang PDAF sa mga proyektong umano’y kinakasangkutan ni Napoles.
Ayon sa korte, walang ebidensyang nagtuturo na personal na tumanggap ng pera si Enrile. Dagdag pa nito, walang indikasyong naging palabas lamang ang paglilitis o nagkaroon ng mistrial.
Binigyang-diin ng korte na hindi nalabag ang karapatan ng mga akusado at walang basehan ang apela ng prosekusyon.