Labis ang pasasalamat ni Congressman Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ng Unang Distrito ng Lanao del Sur matapos siyang mahalal bilang Chairperson ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa ilalim ng Ika-20 Kongreso ng Pilipinas.
Sinabi ni Adiong na ang pagkakahirang sa kanya ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang kolektibong mandato upang palakasin ang pundasyon ng demokrasya ang karapatan ng bawat Pilipino na makaboto sa isang malaya, patas, at tapat na halalan.
Ayon sa mambabatas, ang kanyang karanasan sa Bangsamoro region ay nagturo sa kanya na ang integridad ng halalan ay susi sa tunay na pagkakasundo at makatarungang pamamahala. Matagal na umano niyang isinusulong ang mga panukalang batas ukol sa reporma sa halalan at mekanismong nagbibigay tinig sa mga nasa laylayan, kabilang ang mga katutubo, kababaihan, at kabataan.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, tututukan ng komite ang mga makabago at makataong reporma: modernisasyon ng sistema ng pagboto upang maiwasan ang pagka-disqualify ng botante, pagpapalakas ng transparency sa pondo ng kampanya, at proteksyon laban sa dayuhang pakikialam sa halalan.
Makikipagtulungan din ang komite sa iba’t ibang panig ng Kongreso at mga sektor upang masiguro na bawat boto ay tunay na representasyon ng kalooban ng mamamayan hindi produkto ng salapi, manipulasyon, o panlilinlang.
Ipinaalala ni Adiong sa taumbayan: “Ang inyong boto ay inyong tinig. Sama-sama nating ayusin ang ating sistema upang ang tinig na ito ay manatiling totoo at hindi matitinag.”
















