-- Advertisements --
PACMAN AND QUIBOLOY

Ibinasura ng Office of the City Prosecutor sa Davao City ang reklamong libel na inihain ni Pastor Apollo Quiboloy laban kay dating senador Manny Pacquiao.

Ito ay matapos na sampahan ni Quiboloy ng reklamo si Pacquaio kasunod ng pagtanggi nito sa imbitasyon na makilahok sa 2022 presidential election debate at public forum na pinangunahan ng network na inorganisa ng pastor.

Idinahilan kasi ng dating senador na ayaw niyang maging bahagi ng anumang aktibidad na inoorganisa ng isang taong wanted sa pulisya dahil sa mga kasuklam-suklam na krimen habang patuloy nitong ginagamit ang pangalaan ng Diyos sa mga walang kabuluhan at religious scams.

Nakasaad sa resolusyon na inihanda ni Prosecutor Jose Charito Cortez II na kulang ang mga ebidensyang inihain ni Quiboloy at hindi rin aniya kapani-paniwala ang argumento nito hinggil sa umano’y malisyosong press release na ni Pacquiao.

Dahilan kung bakit ibinasura ng prosecutor’s office ang reklamong libel nito sa ilalim ng Article 355 ng Revised Penal Code na may kaugnayan naman sa Section 4(c) (4) ng Republic Act 10175, o ang Cybercrime Prevention Act.

Kung maaalala, una na rin ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang inihaing cyber libel complaint ni Pacquiao laban kay Quiboloy hinggil naman sa naging pahayag ng religious leader na ginagasta ng dating senador ang public funds para sa hindi pa natatapos na Sarangani Sports Training Center.