-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na mayroon pang sapat na pondo para sa disaster response at recovery efforts sa mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakahanda ang pamahalaan para respondehan ang mga pangangailangan ng mga indibidwal na na-displace dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng mga mabibigat na pag-ulan dala ng mga bagyo ng hanging habagat sa maraming parte ng bansa.

Saad pa ng kalihim na may National Disaster Risk Reduction and Management Fund o nakalaang pondo na maaaring magamit sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng mga kalamidad.

Maliban dito, mayroon din aniyang stand-by funds ang bawat front-line agencies na maaaring gamitin para sa paghahatid ng relief aids at recovery efforts.

Umapela naman ang DBM sa mga ahensiya na masusing makipag-ugnayan sa kanila para makapagbigay ng kanilang kailangan kabilang na ang replenishment ng kanilang Quick Response Funds, na ginagamit para sa relief at rehabilitation efforts sa kasagsagan ng mga sakuna at kalamidad.

Pinaalalahanan din ng DBM ang lahat ng concerned government agencies na tiyakin ang maayos at episyenteng paggugol ng mga pondo hanggang sa pinakahuling sentimo para masigurong maabutan ng tulong ang mga nararapat na benepisyaryo sa lalong madaling panahon.