IMG 20191016 104533

No show sa “ninja cops” reinvestigation ng Department of Justice (DoJ) si Police Major Rodney Baloyo na sinasabing nagsilbing team leader sa drug raid sa Pampanga noong 2013.

Ang grupo ni Baloyo ay sangkot sa umano’y pagre-recycle ng iligal na droga na nadiin sa nabunyag na shabu na kanilang narekober sa drug raid na aabot sa 200 kilo pero 38 kilo lang ang sinurender.

Paliwanag ng abogado nitong si Atty. Donie Rey Muli, hindi na maghahain ng mga karagdagang ebidensiya si Baloyo kaya minarapat na huwag nang dumalo sa pagdinig.

Binigyan naman ng DoJ panel ng hanggang Lunes ang ilang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng karagdagang ebidensiya at supplemental o amended complaint.

Kabilang sa mga present sa pagdinig sina:

IMG 20191016 104446
  1. Police Senior Inps. Joven Bognot
  2. SPO1 Jules Lacap Maniago
  3. SPO1 Donald Castro Roque
  4. SPO1 Ronald Bayas Santos
  5. SPO1 Rommel Muñoz Vital
  6. SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio
  7. SPO1 Eligio Dayos Valeroso
  8. PO3 Dindo Singian Dizon
  9. PO3 Gilbert Angeles de Vera
  10. PO3 Encarnacion Guerrero Jr
  11. PO2 Anthony Loleng Lacsamana
  12. PO3 Dante M. Dizon

Isasagawa ang susunod na pagdinig sa Oktubre 21.

Una rito, sa bisa ng Department order No. 528 na inilabas ni Justice Sec. Menardo Guevarra, sinimulan na ng DoJ 3-man panel of prosecutors ang muling imbestigasyon sa reklamong isinampa ng PNP-CIDG laban sa 13 ninja cops.

Binubuo ang panel nina Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, Assistant State Prosecutor Josie Christina Dugay at Assistant State Prosecutor Gino Paolo Santiago.

Marso 2014 nang sinampahan ng CIDG ang grupo ni Baloyo ng patong patong na kaso kabilang na ang paglabag sa Sections 27 (misappropriation), 29 (planting) at 32 (custody and disposition) sa ilalim ng Dangerous Drugs Act. Pero noong 2017, ibinasura ang lahat ng kaso laban sa grupo.

Nabuhay naman ang isyu sa pagdinig ng Senado laban sa grupo ni Baloyo.

Lumalabas na nasa 160 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P648 million ang hindi isinama sa report ng grupo ni Baloyo na nasabat nito sa umano’y Chinese drug lord na si Johnson Lee noong 2013.

Sinasabing aabot lamang sa 36.68 kilo ng shabu ang sinurender ng grupo ni Baloyo na nakumpiska nila mula kay Lee.