Nilinaw ngayon ng Supreme Court (SC) na wala pang lumabas na desisyon kaugnay ng poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo dahil umano sa iregularidad ng halalan noong 2016.
Ayon kay SC Spokesman Brian Hosaka, tinapos lang ng SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang recount at revision ng mga balota sa tatlong pilot provinces na Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur na mayroong 5,415 election precincts pero wala pang inilabas na desisyon.
Isinumite na rin ng member-in-charge sa kaso na si Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ang report saTribunal kaugnay ng resulta ng revision of ballots.
Pero nilinaw ng tribunal na Wala pa silang aksiyon sa report ni Justice Caguioa.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Korte Suprema ang magkabilang panig na sundin pa rin ang subjudice rule na inilabas noong February 13, 2018 at March 20, 2018.
Mahigpit pa rin ang direktiba ng SC na iwasan ng dalawang partido na magsagawa ng public statements sa media kaugnay ng naturang kaso.