BAGUIO CITY – Isasara sa publiko ang recognition rites ng mga plebo na bubuo ng Philippine Military Academy (PMA) Madasigon Class of 2023 na gaganapin bukas, Sabado, kasama na ang pre-recognition rites mamayang hapon.
Ayon sa akademya, batay ito sa idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na State of Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni PMA public information officer Capt. Cheryl Tindog na mga direct dependents ng mga fourthclassmen o mga magulang at mga kapatid lamang ng mga plebo ang papayagang manood sa seremonya.
Gayunman, bago makapanood ay sasailalim muna ang mga ito sa mahigpit at mandatory na medical check o thermal scanning sa mismong gate ng PMA sa Fort Del Pilar sa Baguio City.
Batay sa advisory ng akademya, kung makakapasa sa medical check ang mga ito ay agad silang didiretso sa grandstand habang ang mga makikitaan ng lagnat at mga respiratory symptoms ay hindi papapasukin.
Dinagdag ni Capt. Tindog na pagkatapos ng mismong Recognition Rites ay agad aalis ng akademya ang mga magulang at mga kapatid ng mga kadete dahil kanselado na ang nakagawiang privilege time at picnic ng mga kadete sa mga pamilya ng mga ito.
Kung maaalala noong nakaraang buwan nang isinara sa publiko ang PMA dahil sa COVID-19.