LEGAZPI CITY – Wala nang kawala sa mga awtoridad ang itinuturing na nangunguna sa Most Wanted persons sa bayan ng Oas, Albay matapos na maaresto sa Brgy. Pinagkuartelan, Pandi, Bulacan.
Pagbabahagi ni PMaj. Jerald John Villafuerte, hepe ng Oas PNP sa Bombo Radyo Legazpi, malaking tulong sa pagkakaaresto kay alyas “Bok”, 26-anyos, ang social media.
Aniya, taon pang 2018 nang magawa nito ang krimen subalit tumakas sa lugar.
Subalit kamakailan lamang ng maging active ito sa Facebook, hindi man gamit ang tunay na pangalan nakilala naman ang akusado sa profile picture nito kung saan natukoy na nagtatrabaho itong helper sa Bulacan.
Agad nakipag-ugnayan ang Oas PNP sa kanilang counterpart sa Pandi na nagsilbi ng arrest warrant sa akusado.
Nabatid na nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Section 5 ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at 14-counts ng “Statutory Rape” laban sa 11-anyos na biktima nito.
Ikinagalak naman ng biktima at mga kamag-anak nito ang balita lalo na sa umano’y abot-kamay ng hustisya.
Pansamantala namang nananatili ang akusado sa Pandi PNP sa Bulacan subalit nakatakdang ibiyahe sa Albay para sa karampatang disposisyon.