Pumanaw na ang tinaguriang conservative media icon sa US na si Rush Limbaugh sa edad 70.
Kinumpirma ng asawa nitong si Kathryn sa radio show ng mister na pumanaw na ito dahil sa lung cancer.
Noong Pebrero 2020 ay inanunsiyo nito na mayroon itong advance lung cancer.
Hindi ito naging hadlang sa pagtigil niya sa trabaho dahil ipinagpatuloy pa rin niya ang pagprograma.
Aabot sa 32 taon na naging host ng “The Rush Limbaugh Show” isang nationally-syndicated program na mayroong milyun-milyong mga loyal na tagapakinig.
Nakilala rin ito sa kaniyang mga “hateful commentary” sa gender at race.
Makailang beses nitong binatikos si dating US President Barack Obama at humingi rin ito nang paumanhin ng akusahan ang actor na si Michael J. Fox na “ini-exaggerate” lamang niya ang kaniyang Parkinson’s disease.
Hindi naging madali ang kaniyang radio career kung saan nagtrabaho siya sa maraming radio stations at dalawang beses na rin itong nag-divorce sa dalawang asawa sa loob ng 10 taon.
Taong 1984 ng sinimulan niya ang kaniyang radio show na naging patok sa US at mula noon ay naging hari ng conservative talk-radio.
Noong 2010 nang ikinasal ito sa ikaapat na asawa na si Kathryn Rogers isang 33-anyos na event planner kung saan binayaran niya ng $1-million ang singer na si Elton John para lamang kumanta sa kanilang kasal.
Huling video na ginawa nito ay noong November US election kung saan hinikayat ang mga mamamayan ng US na iboto si dating US President Donald Trump at Vice President Mike Pence.
Noong April 2020 ginawaran ito ni Trump ng isa sa pinakamataas na parangal ng bansa, bilang Presidential Medal of Freedom.