Patuloy ngayon ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Quarantine (BoQ) sa Philippine Airlines (PAL) para matukoy ang pagkakakilanlan ng 283 na pasahero maging ang 19 crew ng PR 8661 na dumating noon pang Disyembre 29 sa bansa mula sa bansang Lebanon.
Ayon sa BoQ, sa naturang biyahe raw kasi ay apat ang positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) UK variant kabilang na ang isang taga Leon, Iloilo at isa umanong taga Binangonan, Rizal na kapwa positibo sa UK variant ng nakamamatay na sakit.
Una rito, sinabi ni Dr Alethea De Guzman ng Department of Health (DoH) na sa naturang biyahe ay 228 na pasahero ang nagnegatibo sa covid habang 51 na pasahero at 19 na crew ang inaalam pa ang estado ng isinasagawang pagsusuri.
Kung may magpo-positibo aniya ay kailangang isailalim sa genome sequencing ang makukuha sa kanilang samples.
Inaalam pa naman ng DoH kung nasa Binangonan nga talaga ang isa sa mga tinamaan ng sakit habang nakumpirma namang nasa Leon, Iloilo ang isa pang overseas Filipino worker (OFW) na ngayon ay asymptomatic .
Samantala sinimulan na rin ang contact tracing sa mga iba pang pasahero na kasama namang dumating sa bansa nang tiga Quezon City na nagpositibo rin sa UK variant.
Ito ay matapos mahanap ng NBI ang dalawa pang pasahero na umano’y nagbigay ng ibang impormasyon sa airline company.