ILOILO CITY – Itinuturing ng Department of Transportation na fake news ang ulat tungkol sa pagpapaliban ng PUV modernization program ng gobyerno.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Department of Transportation Undersecretary Mark De Leon, sinabi nito na matutuloy ang modernization program kasunod ng deliberasyon ng Senado sa P147 billion budget proposal ng ahensya.
Ayon kay De Leon, walang makakapigil sa pagpapatupad ng modernisasyon ngunit papayagan pa rin na makabyahe hanggang 2020 ang traditional jeepneys.
Inihayag ni De Leon na ang mga operator na hindi kaya ang modernized jeepney ay bibigyan ng palugit sa kondisyon na pasado sa Motor Vehicle Inspection System o roadworthiness test ang old units.
Bibigyan ng provisional authority ang mga operator at kailangang sumailalim sa technology-based Motor Vehicle Inspection System para sa renewal.
Sa kabila nito inihayag ng opisyal na kailangang makapagsumite ng petisyon ang mga operator para sa modernization program kung saan ang mga hindi makapagsumite ay hindi na bibigyan nga ruta upang makapagbiyahe.