-- Advertisements --

Binisita ni Russian President Vladimir Putin ang Kursk sa unang pagkakataon mula nang ideklara ng Moscow na ganap nilang nakubkob muli ang rehiyon kasunod ng sorpresang pagsalakay ng pwersa ng Ukraine noong nakalipas na taon.

Base sa report ng state media sa Russia, nakipagkita si Putin sa municipal leaders sa siyudad ng Kurchatov saka binisita ang Kursk nuclear power plant na kasalukuyang under construction.

Sa ibinahaging video footage, makikita si Putin na nakasuot ng suit kausap ang mga local volunteer.

Inihayag naman ni Putin na sinusubukan pa rin ng pwersa ng Ukraine na umabanse sa Russian border.

Ipinag-utos naman ni Putin ang pagdaragdag pa ng bilang ng demining units sa Kursk para matulungan ang mga na-displace na residente doon na makabalik sa kanilang mga tahanan.

Ipinapakita naman ng inilabas na video ng pagbisita ni Putin sa Kursk ay noong araw ng Martes.

Matatandaan, nauna ng inihayag ni Putin noong nakalipas na buwan na muling nakubkob ng kanilang pwersa ang Kursk at kasama umano nila ang mga sundalo ng North Korea sa pakikipaglaban para mabawi ang naturang teritoryo.

Subalit taliwas naman ito sa claim ng Ukraine na naninindigang patuloy pa ring nakikipaglaban ang kanilang mga tropa para mapanatili sa kanilang kamay ang kontrol sa naturang teritoryo.