GENERAL SANTOS CITY – Nag-aagaw buhay sa ospital ang isang Purok chairman nang nadamay lang umano sa pamamaril sa isang dating preso sa Purok 6 Lanton Barangay Apopong, GenSan.

Ayon kay Ananias Vasquez ng Makar Police Station, nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo si Rodel Lomarda, tricycle driver at isa ring Purok Chairman sa Santa Gemma Brgy. Tambler nitong lungsod.

Habang nakikipaglaban rin para sa kanyang buhay ang pasahero nitong Richie Gaballes nga taga Purok Pearly Shell Brgy. Bula nitong lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis pinakyaw umano ni Gaballes si Lomarda sa halagang P200 papuntang GenSan City Jail.

Sinundan ng riding in tandem ang tricycle at nang makatiyempo sa Purok 6 doon na pinagbabaril ang dalawa.

Maghahatid lang sana ng isda ang dalawa nang pagbabarilin ng mga di kilalang nga suspek na nakamotorsiklo.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, dati nang nakulong sa kasong iligal na droga si Gaballes bagay na tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Duda ng mga kakilala ng Purok Chairman na posibleng nadamay lang ito sa pamamaril at si Gaballes talaga ang target ng pamamaril.

Naghahanap pa ng ibang testigo ang mga pulis para mabigyang linaw ang pinakabagong pamamaril sa GenSan.