-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Police Lieutenant Colonel Walter Annayo, 41 anyos, residente ng 24 Private road Magsaysay Avenue Baguio City at kasalukuyang nakadestino sa Regional Personnel Holding & Accounting Office ng PRO BAR.

Ayon kay PNP-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) Regional Director Bregadier General Samuel Rodriguez na galing ng Cotabato City ang biktima pabalik na ng kampo lulan ng kanyang minamanehong Toyota Fortuner na may plakang GAL-2258 ngunit pagsabit nito sa Brgy Macabiso Sultan Mastura Maguindanao ay bumaba ito para bumili ng buko juice.

Ngunit bigla na lamang dumating ang kulay puting Toyota fortuner at isa sa mga sakay nito ang bumaril kay Annayo gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Parang Maguindanao.

Patay on the spot si Colonel Annayo nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at likod.

Ang biktima ay bago lang nailipat sa Regional headquarters ng PRO-BAR ilang araw matapos ang nangyaring Jolo shootout noong Hunyo 29, 2020 kung saan apat na mga Army Intelligence Officers ang nasawi.

Matatandaang nahaharap sa reklamong murder si Annayo, limang iba pang pulis sa Jolo, at tatlong kasapi ng Sulu Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkasawi ng Army intelligence operatives sa Jolo.

Ilang buwan naman matapos ang insidente, naghain din ng administrative cases at criminal complaints ang PNP Internal Affairs Service laban sa mga dawit na pulis.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Sultan Mastura PNP katuwang ang militar sa pamamaril patay sa opisyal.