Welcome para kay Senador Bam Aquino ang direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inaatasan ang mga e-wallet provider na putulin ang ugnayan sa mga online gambling site.
Noong Huwebes, binigyan ng BSP ng 48 oras ang mga e-wallet companies para alisin ang icons at links na may kaugnayan sa e-gambling platforms. Bagay naman na sinunod ng mga kompanya.
Ayon kay Aquino, inaasahan niyang ang hakbang ng BSP ay magpapahina at kalaunan ay tuluyang magpapatigil sa operasyon ng e-gambling sa bansa.
Aniya, kailangan ding gumawa ng matibay na desisyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa total ban.
Muling nanawagan ang senador na tuluyan nang ipagbawal ang online gambling upang maprotektahan ang mga pamilya at lipunan mula sa masamang epekto nito.