CEBU CITY – Nagpapatuloy ngayon ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa mga armadong grupo na nakaengkwentro ng isang pulis sa bahagi ng Brgy. Bantulinao, bayan ng Manjuyod, Cebu.

Ayon kay P/CMS Virgilio Tual Jr. ng Manjuyod PNP, habang nasa isang palengke ng nasabing lugar si P/CMS Humprey Teves, bigla umanong hinarang ito ng apat na armadong tao na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) at tinutukan ng baril.

Kukunin na raw sana ng mga suspek ang baril ng pulis, ngunit nakakita ng pagkakataon ang pulis na lumaban.

Nagpagulong-gulong ito sa daan habang pinaulanan ng bala ng mga suspek.

Agad namang dumating ang reinforcement galing sa Philippine Army at nakipagpalitan ito ng putok sa mga armadong grupo.

Sugatan ang dalawa sa panig ng umano’y mga NPA at agad tumakas, ngunit iniwan nito ang isa nilang kasama na lubhang nasugatan.

Sinubukan pang dalhin sa ospital ang suspect pero binawian na rin ito ng buhay.

Samantala, nakaligtas naman ang pulis na si Teves na nagtamo lamang ng minor injuries bunsod nga paggulong nito sa daan para makatakas sa kamay ng sinasabing NPA.