NAGA CITY- Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis matapos barilin ang kabit ng kanyang misis sa Brgy. Santiago, Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Pat Jeyrold Repaso, 33-anyos residente ng nasabing lugar.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSG James Iglopas imbestigador ng Bato MPS sinabi nito na kakauwi lamang ni Pat Repaso sa nasabing lugar dahil naka asigned ito sa 12 SUB 123SAF, sa probinsya ng Samar.

Ngunit naabutan umano nito ang kaniyang asawa at ang biktimang kinilalang si Edward Hernandez na magkatabing nakahiga sa loob ng kanilang bahay.

Kaugnay nito agad umanong nagtangkang tumakas si Hernandez kung saan tumakbo ito sa likod ng nasabing bahay ngunit agad naman itong inabangan ni Repaso.

Doon na umano nagkaroon ng mainit na pag-aaway ang dalawa kung saan gamit ang 9mm pistol ay pinaputukan ng suspek ang nasabing biktima.

Ayon kay Iglopas, nagtamo ng sugat sa kanang binti ang nasabing biktima kung saan agad naman itong isinugod sa ospital.

Maliban dito batay sa imbestigasyon sinasabing hindi umano ito ang unang beses na nahuli ni Repaso ang kaniyang asawa kasama ang nasabing biktima.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek para sa karampatang disposisyon.