TACLOBAN CITY – Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Cambella, Quinapondan, Eastern Samar.

Ayon kay Pol. Lt. Col. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office 8, kinilala an mao nga biktima na si Patrolman Michael Felipe Ribo, residente ng Balangiga, Eastern Samar, at naka-assign bilang Intel Operative ng 2nd Eastern Samar Police Mobile Force Company (ESPMFC) na nakabase sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang naturang insidente ay may kinalaman sa naunang shooting incident sa Brgy. Bagte, Quinapondan, Eastern Samar kung saan pinagbabaril patay ang isang Civilian Active Auxiliary (CAA) member ng tatlong pinaniniwalaang mga NPA.

Dahil dito ay agad na nagresponde ang mga kapulisan kung saan habang nangangalap ang naturang biktimang Patrolman Ribo ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek ay tinambangan naman ito ng mga NPA.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa naturang insidente.