BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis ukol sa pag-suicide ng kanilang kasamahan sa loob mismo ng kanilang barracks sa Escalante City, Negros Occidental kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Escalante Police Station na si Police Lt. Col. Necerato Sabando, binaril ng biktimang si Patrolman Richard Villasis ang kanyang kaliwang dibdib habang nakahiga ito sa kanyang kuwarto sa 1st Negros Occidental Provincial Mobile Force Company sa Barangay Mabini.

Ayon sa record, 26-anyos pa lamang si Villasis, single at tubong Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz.

Lumalabas sa imbestigasyon na binalot ng pulis ng tuwalya ang kanyon ng .45 caliber pistol upang hindi masyadong malakas ang putok nito.

Nadatnan na lamang si Villasis ng kanyang mga kasamahan na duguan habang ito ay nakahiga sa kanyang kuwarto sa barracks.

Pinaniniwalaan namang personal na pagmamay-ari ng biktima ang baril.

Ayon kay Sabando, inaalam pa kung ano ang problema ng pulis ngunit may lumalabas ding mga impormasyon na palaging malungkot si Villasis dahil sa problema sa kanilang pamilya.