-- Advertisements --

pro31

Tiniyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na masisibak sa serbisyo ang naarestong pulis sa isang buy-bust operation sa Gerona, Tarlac na sinasabing user at protector ng operasyon ng iligal na droga.

Ipinag-utos din ni Eleazar ang pagkakasa ng malalimang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang mga kasabwat si Police Corporal Geymar Oroquero sa lokal na pulisya sa pagpoprotekta at pagpopondo sa operasyon ng iligal na droga sa Gerona at mga karatig lugar.

“Inatasan ko na ang RD, PRO3 na madaliin ang imbestigasyon para ma-umpisahan na agad ang pagsibk sa serbisyo ni Corporal Oroquero na nahuli sa isang anti-illegal drugs operations sa Gerona, Tarlac,” wika ni Gen Eleazar.

Siniguro naman ni Police Regional Office 3, Director, BGen. Val De Leon kay PNP chief na kaniyang dinis-armahan ang nasabing police scalawag at kasalukuyang nakakulong.

Bukod sa administrative case na kaniyang kahaharapin, sasampahan din ng kasong kriminal si Orquero.

Naaresto sina Oroquero at ang mga sinasabing kasabwat niya na sina Marvin Gadia at Joel Umagat sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Calayaan noong Setyembre 10 kung saan ay nakuha sa kanila ang ilang hinihinalang shabu, drug paraphernalia at Glock 17 na may magazine at lamang mga bala.

Si Oroquero na nakatalaga sa Tarlac City Police Station ay sinasabing gumagamit ng parokyano, protektor at financier ng isang July at isang Melvin Gadia na tulak ng iligal na droga at nag-ooperate sa Gerona at Tarlac City.

Pinapurihan ni PNP chief ang Central Luzon Police sa kanilang agarang pag-aksiyon dito.

“Hindi ako magda-dalawang isip na tanggalin sa serbisyo ang mga ganitong uri ng pulis, gaano man sila karami, dahil nakakatiyak naman ako na sa laki ng suweldo ng mga pulis at sa ipinatupad nating agresibong reporma sa recruitment system, mas maraming mga mabubuting pulis ang papalit sa kanila,” pahayag ni Gen. Eleazar.