-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, disobedience to an agent of person in authority at unjust vexation, ang isang lalaki matapos nitong bungguin at kaladkarin ang isang traffic enforcer sa Abanao Street, Baguio City kahapon.

Nakilala ang complainant na si Patrolman Julius Walang ng Traffic Enforcement Unit ng Baguio City Police Office, habang ang inireklamong respondent ay isang Jone Dominguez Buclay, residente ng Asin Road, Baguio City, driver ng may trade name na “J Mabalot Taxi.”

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pat. Walang, sinabi niya na iminamando niya ang daloy ng trapiko sa Abanao Street nang makita niya ang pagpipilit ni Buclay na pumasok sa isang pay parking area.

Dito na siya lumapit kay Buclay para paalisin ito dahil puno na ang nasabing paradahan at nagdudulot ito ng traffic conjunction, pero binalewala lamang siya.

Titikitan na sana ni Walang si Buclay kaya hiningi niya ang driver’s license nito ngunit sinabi ni Buclay na aalis na siya.

Gayunman, papaalis na si Buclay nang may sinambit itong mura na hindi nagustuhan ni Walang kaya muli itong pinigilan ng pulis at hiniling ang kanyang driver’s license.

Sa halip na huminto, nagpatuloy si Buclay sa pagmaneho habang humarang si Walang sa harapan ng taxi kung saan ginamit pa nito ang kanyang tuhod para mapahinto ang taxi.

Sumampa si Walang sa hood ng taxi nang maramdaman nito na papabilis na ang pagpapatakbo ni Buclay.

Huminto lamang ang taxi matapos ang aabot sa 25 metro dahil sa isang motorcycle rider na bumusina at humarang sa taxi.

Kaagad inaresto ni Walang at ng kanyang kasama si Buclay kung saan nahalata nila na nasa impluwensya ito ng alak na nakumpirma naman sa medico legal test.

Inamin naman mismo ni Buclay na siya ay nakainom matapos magpositibo sa breath analyzer test.

Kasunod nito ang tuluyang pagkumpiska sa driver’s license ni Buclay at binigyan ito ng traffic citation ticket.

Samantala, ipinag-utos na ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagsama sa imbestigasyon sa kaso sa isang judge na diumano ay nakialam kaya na-release si Buclay at ang taxi unit kahit hindi sumailalim sa inquest proceedings.

Ayon sa pulisya, habang ginagawa ni Walang ang Incident Record Form sa loob ng Baguio City Police Office-Station 7, bilang dumating si Judge Roberto Mabalot.

Kaagad umano nitong pinagsabihan si Buclay sa malakas na boses sa hindi nito pagsabi ng anomang pahayag kahit na walang pulis na kumakausap sa naarestong driver.

Matapos makita ni Judge Mabalot ang medico legal certificate na hawak ni Buclay, sinabi raw nito na traffic violation lamang ang kaso kaya hindi ito makukulong.

Sinasabing tinanong din ng judge kung lasing si Buclay at inamin naman nito na uminom sila ng alak hanggang madaling araw.

Matapos nito ay muling sambit ni Judge Mabalot sa malakas at parang nag-uutos na boses na walang dahilan para i-hold ng mga pulis si Buclay dahil traffic violation lamang ang kaso nito at mamumulta lamang ito kaya makakaalis na sila.

Binigyan ng mga pulis si Walang ng traffic citation ticket bago ito umalis kasama si Judge Mabalot.

Samantala, pinuri ni Mayor Magalong si Patrolman Walang dahil sa ipinakita nitong stability at composure sa kabila ng nangyari.

Ipinahayag pa ng alkalde ang kanyang pasasalamat na walang nangyaring masama sa pulis.