CEBU CITY – Patay ang isang pulis matapos itong tambangan kaninang umaga sa Barangay Media Onse sa Toledo City, Cebu.

Ang biktima ay kinilalang si Master Sergeant Junard Cinco, 39, at miyembro ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Cebu Provincial Police Office.

Ayon kay Police Brigadier General Debold Sinas, ang mga suspek ay mga tauhan ng napatay na drug lord na si Steve Go.

Napag-alaman na kabilang ang biktima sa mga nag-serve ng warrant of arrest kagabi laban sa diumano’y kanang-kamay ni Go na si Gerly Luwage sa Barangay San Nicolas sa lungsod ng Cebu.

Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa shootout na ikinamatay ng subject na si Luwage at kasama nitong si Junel Lasam.

-- Advertisement --

Ayon pa kay Sinas, pagkatapos ng operasyon ay nakatanggap ng banta ang operating team mula sa sinasabing grupo ni Go na maghihiganti ang mga ito sa sinapit ni Luwage.

Nagpadala na rin ng tracker team si Sinas sa Toledo Police matapos na ma-identify ang mga suspek.