LAOAG CITY – Inireklamo ng isang babae sa piskalya ang isang pulis matapos sabihin umano sa kanya na masarap ang kanyang dibdib, sabay haplos sa kanyang binti sa lungsod ng Laoag.

Ayon sa biktima na si Mrs. Kristina Ancheta, nangyari ito habang nanonood umano ang pulis na si Staff Sgt. Jonel Mangapit ng porn video sa mismong police station sa nasabing lungsod.

Paliwanag ni Ancheta, nagtungo siya sa police station para magbayad sa nasabing pulis dahil may P35,000 ibinigay sa kanya para ipautang sa mga gustong humiram ng pera.

Dagdad pa ni Ancheta, sinabi pa umano sa kanya ng pulis na kung gusto niya ay gayahin nila ang “pinapanood nito.”

Dahil dito, natakot daw si Ancheta at umalis agad pero tumatawag pa sa kanya ang pulis at nagbabanta na papatayin ito para wala na siyang problema.

Sa text message na ipinadala naman ng pulis sa Bombo Radyo Laoag, sinabi lamang niya na “justice will prevail” at mag-uusap na lamang umano sila ni Ancheta.