Reading Time: 1 minute

CENTRAL MINDANAO – Sisikapin ng pamahalaan na mabigyan ng hustisya at mahuli ang mga salarin na pumatay kay Eduardo “Ed” Dizon na News Anchor ng Brigada News FM (BNFM) Kidapawan City.

Ito ang tiniyak ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Usec. Joel Egco na bumisita sa burol ni Dizon sa lungsod ng Kidapawan.

Nakipagpulong rin si Egco kay Cotabato Police Provincial Director, P/Col. Maximo Layugan at Kidapawan City Chief of Police, P/Lt. Col. Joyce Birrey para siguraduhin ang malalimang imbestigasyon sa pamamaslang sa mamamahayag.

Unang sinuri ng mga imbestigador ng pulisya sa binuo na Special Investigation Team (SIT) ang mga kuha ng CCTV mula sa himpilan ng BNFM hanggang sa lugar kung saan pinagbabaril patay ng riding in tandem suspects si Dizon.

Iimbestigahan din ng team ang mga person of interest, mga taong nagbanta sa buhay ni Dizon na una niyang pina-blotter sa pulisya at ibang anggulo.

Matatandaang papauwi na ang biktima sa kanyang tahanan sa Tejada Subdivision sa Makilala, Cotabato sakay ng kanyang kotse ngunit pagsapit nito sa harap ng Colegio de Kidapawan ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang 9mm pistol.

Nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan si Dizon kaya hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng mga otoridad ang imbestigasyon sa pamamaril patay sa biktima.