-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS ang pagpatay sa beteranong mamahayag na si Juan “Johnny” Dayang, na kasalukuyang President Emeritus ng Publishers Association of the Philippines.

Si Dayang ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanyang bahay sa Kalibo, Aklan, kagabi.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Usec. Jose Torres Jr. mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang task force sa mga kaukulang ahensya para sa imbestigasyon ng kaso at matukoy ang salarin.

Hinimok naman ng task force ang publiko na manatiling mapagmatyag at suportahan ang mga pagsusumikap ng pamahalaan na itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at pangalagaan ang mga mamamahayag sa Pilipinas.

Kaisa rin aniya ang PTFOMS ng buong media community sa pagdadalamhati sa pagpanaw ni Dayang, na isang haligi at may malaking kontribusyon sa malayang pamamahayag sa bansa.