-- Advertisements --

CAUAYAN CITY– Muling naghatid ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa probinsya ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Social Welfare and Development o PSWD Officer Jun Pagbilao ng lalawigan ng Quirino na nagtungo sila sa lalawigan ng Cagayan kahapon ng alas-sais ng gabi para maghatid ng tulong pangunahin na sa mga bayan ng Abulog at Allacapan.

Ang mga tulong na kanilang ibinigay ay donasyon ng mga kababayan nila nasa ibang bansa at nang pamahalaang panlalawigan maging ang mga mamamayan ng Quirino.

Pinili nilang magbiyahe ng gabi para mas maging maayos ang kanilang biyahe at bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.

Ibinigay nila sa lokal na pamahalaan ang mga tulong at sila na lamang ang mamamahagi sa kanilang mga kababayan.

Ayon kay PSWD Officer Pagbilao, may mga nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Abulog dahil sa pagguho ng lupa sa kani-kanilang mga lugar habang sa Allacapan naman ay pangunahing naapektuhan ang mga nasa tabi ng ilog Cagayan.