-- Advertisements --

Inaayos na ng gobyerno ang isang mekanismo o protocol kaugnay sa pagdaan ng mga foreign vessel sa karagatang sakop ng ating bansa partikular sa Sibutu Strait.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, malaking hamon ang pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-monitor ang lahat ng sasakyang pandagat ng mga dayuhang dadaan sa territorial waters ng Pilipinas.

Ayon kay Sec. Nograles, sa ngayon ay tuloy-tuloy ang briefing ng mga opisyal ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan para makasunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.

Nauna nang kinumpirma ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND) na makailang beses nang dumadaan ang Chinese warships sa Sibutu Strait sa Tawi-tawi nang walang paalam sa pamahalaan.

Kaya naman naubusan na umano ng pasensya ni Pangulong Duterte at kahapon ay ipinag-utos na nitong kailangang humingi muna ng clearance sa gobyerno ng Pilipinas ang sinumang dayuhang sasakyang pandagat na dadaan sa mga karagatang sakop ng teritoryo ng bansa para sa kanilang actual passage. 

Kapag hindi umano ito sinunod, itataboy ng security forces ang lalabag dito.