-- Advertisements --

Posibleng sabay-sabay na raw na ipoproklama ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang mga nanalong party-list groups.

Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, kapag natapos na raw ang special elections sa Lanao del Sur at kung hindi na makakaapekto sa bilangan ang mga certificate of canvass mula sa Shanghai sa China ay puwede na silang magproklama.

Aniya, kapag walang magiging aberya sa special elections ay puwede nang iproklama ag mga nanalong partly-list sa Mayo 25.

Muling ipinaliwanag ni Laudianco na ang nasa 685,643 na boto sa Lanao del Sur at ang 1,991 votes naman sa Shanghai ay malaki pa rin ang epekto ranking o pagkakasunod-sunod ng mga party-list groups.

Samantala, dahil hanggang sa susunod na linggo na lamang ang kontrata ng Comelec na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) sa Forum Tent sa Philippine International Convention Center (PICC) ay pinag-uusapan na raw nila kung lilipat ang mga ito ng venue para sa proklamasyon.

Aniya kailangan daw kasi ang maluwag pa rin na espasyo sa proklamasyon dahil kailangan pa ring sundin ang minimum health standards.

Malabo raw itong isagawa sa Palacio del Gobernador na min office ng komisyon dahil masikip ang doon at ikinokonsidera rin nila ang isyu sa seguridad.

Kung maalala, ngayong araw sana ipoproklama ng Comelec ang mga nanalong party-list kasunod ng pag-proklama na sa 12 nanalong senador kahapon.