Ipina-iral ng Department of Trade and Industry ang price freeze sa mga lalawigan at bayan na sinalanta ng Super Typhoon Nando at Severe Tropical Storm Opong.
Saklaw nito ang Cagayan, Masbate, Oriental Mindoro, Biliran, Romblon, at mga bayan ng Pagudpud sa Ilocos Norte, Dagupan sa Pangasinan, Calbayog at San Vicente sa Samar, at Ibajay sa Aklan.
Ayon sa DTI, nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangunahing produkto sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Sa kabila ng pansamantalang pagsasara ng ilang negosyo, karamihan sa pamilihan, groceries, at supermarkets sa Masbate ay bukas at balik-normal na ang volume ng mamimili.
Nagbabala naman ang ahensya na ang paglabag sa automatic price freeze ay may kaparusahan na isa hanggang sampung taong pagkakakulong at multang ₱5,000 hanggang ₱1 milyon sa ilalim ng Price Act.
Samantala, tiniyak ng DTI na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga distributor at retailer upang mapanatili ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin sa mga nasalantang lugar.