-- Advertisements --

NAGA CITY – Posible umanong magpatupad muli ng price ceiling sa meat products ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito’y matapos na isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong bansa dahil sa African Swine Fever (ASF).

Kapansin-pansin pa rin kasi ang pagbaba ng supply ng karneng baboy dahil sa naturang sakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Emy Bordado, tagapagsalita ng DA-Bicol, sinabi nito na magiging malaking tulong ang pagpapatupad ng state of calamity dahil mapipigilan nito ang pagkalat ng ASF sa rehiyon.

Ngunit inamin naman nito na kahit bumaba pa ang kaso ng naturang sakit ay hindi pa rin sasapat ang supply ng mga karneng baboy.

Kaugnay nito, nililimitahan ng ahensiya ang pagpasok ng mga byahero upang mapigilan ang pagkalat ng ASF gayundin ang pagpapalabas pa ng mga karneng baboy sa isang lugar.

Ito umano kasi ang nagiging dahilan ng mas pagbaba pa ng supply ng mga karneng baboy.

Samantala, sa ngayon, prayoridad umano nila na matulungan ang mga maliliit na backyard hog raisers na labis na naapektuhan ng depopulation ng mga baboy sa rehiyon.