Kasado na sa Setyembre 10 ang tapatan nina dating US President Donald Trump at kasalukuyang US Vice President Kamala Harris para sa presidential debate.
Ito ay matapos kumpirmahin ng news division ng US broadcasting company na ABC News sa kanilang X account na sila ang magho-host ng kauna-unahang debate sa pagitan nina Trump at Harris.
Nitong Huwebes, nauna ng sinabi ni Republican candidate Trump sa kaniyang press conference sa Mar-A-Lago, Palm Beach, Florida na bukas siyang makipag-debate ng ilang beses sa kaniyang karibal sa halalan na si VP Harris ng Democratic Party bago ang botohan sa Nobiyembre para sa magiging susunod na Pangulo ng Amerika.
Sa panig naman ni VP Harris, nagkumpirma na rin ito na dadalo siya sa debate sa naturang network habang nasa isang event sa Michigan nitong Huwebes at bukas din sa pagdalo sa karagdagan pang mga debate.
Matatandaan na nakatakda sana ang ikalawang debate nina Trump at US President Joe Biden sa Setyembre 10 subalit umatras ito sa presidential race matapos ang mahinang performance nito sa debate laban kay Trump noong Hunyo na nagresulta sa panawagan ng ilang Democrats na umatras na ito. Nagbigay naman ito ng daan sa kaniyang katambal na si VP Harris para humalili sa kaniya at maging nominee ng Democratic party.