-- Advertisements --

Babantayan ng Department of Health (DOH) ang posibleng maitalang injuries, kaso ng altapresyon at panghihina sa inaasahang pagbuhos ng mga bibisita sa darating na Undas.

Ayon sa DOH, karaniwan kasing idinadaing sa pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo ang panghihina, altapresyon at pagkasugat o minor injuries na tututukan aniya ng DOH kasama ang mga lokal na pamahalaan.

Sa Metro Manila, inaasahang may mahigit 20 Health Emergency Response Teams ang naka-standby sa malalaking sementeryo.

Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na nakahanda ang mga ito na magbigay ng basic first aid kung kinakailangan at libreng check-up ng vital signs tulad ng blood pressure, temperature at pulse rate.

Nagpaalala naman ang ahensiya na kung bibisita sa mga semeteryo, huwag kalimutang magdala ng inuming tubig, payong, hand sanitizer at face mask at magbaon ng kailangang gamot o maintenance kung magtatagal sa sementeryo.

Kung magmamaneho naman, tiyaking nasuri nang maigi ang sasakyan bago bumiyahe at manatiling kalmado at mag-ingat.