-- Advertisements --

balikatan2

Malaki umano ang naging impact sa sitwasyon sa West Philippine Sea o South China Sea ang presensiya ng mga US warships lalo at nabawasan na ang bilang ng mga Chinese vessels na aaligid sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, batay sa report ng Western Command sa kaniya, nasa 28 Chinese vessels na lamang ang nakakalat sa EEZ ng bansa mula sa mahigit 200 noon kamakailan.

Una rito, naging mabunga ang pag-uusap nina AFP chief Gen. Sobejana at JUSMAG Joint US Military Advisory Group sa pamumuno ni Col. Stephen Ma.

Naging sentro sa pag-uusap nina Sobejana at Ma ang isyu ng Chinese intrusion sa West Philippines Sea, para epektibong matugunan ang isyu sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).

“There’s an effect yung presensiya ng warship diyan sa South China Sea, alam naman ng China na we have an existing Mutual Defense Treaty (MDT) with the US, isa sa topic na napag-usapan namin ay yung coverage ng MDT, kasi lately napag-alaman ng lahat na there was so called harassment against a civilian Filipino boat,” wika pa ni Gen. Sobejana.

Aminado si Sobejana na ang China ay isang super power na bansa at kung sa dagat ang labanan ay hindi niya matiyak na mananalo ang Pilipinas, pero pagtiyak ng heneral kung sa lupa ang labanan siguradong may advantage ang AFP.

” China is super power and we are a third world country so sa labanan sa dagat eh hindi natin matitiyak na tayo ay manalo kung sa lupa yung labanan gagawin, akoy nakakasigurado na mayruon tayong advantage,” matapang na pahayag ni AFP Chief Sobejana.

Kasalukuyang nagsasagawa ng freedom of navigation at military exercise ang USS Theodore Roosevelt sa South China Sea.

Nagsimula na rin kahapon ang dalawang linggong Joint RP-US Balikatan Exercises sa pagitan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino.