-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikidalamhati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpanaw ng “Asian Sprint Queen” na si Lydia de Vega-Mercado matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa breast cancer.

Sa isang mensahe, ipinaabot din ni Pangulong Marcos ang kanyang pakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ni Lydia de Vega.

Binalikan din ng Pangulo na minsan nang tinagurian ang yumaong atleta bilang “fastest woman in Asia.”

Ito rin aniya ang naglagay sa Pilipinas sa mapa ng international athletics.

Matatandaan aniya na kabilang sa mga naiuwing karangalan ni De Vega ay ang pagwawagi ng 100-meter gold medal noong 1982 at 1986 Asian Games.

Namayani rin aniya ito sa sprint double sa Asian Athletics Championship noong 1983 at 1987 at naging nine-time Southeast Asian Games gold medalist.

Dalawang beses din umanong naging Olympian si de vega, ito ay noong 1984 Los Angeles at 1988 Seoul Olympics.

Sa kanyang pagpanaw, sinabi ni pang. Marcos Jr., na natapos na ni Lydia ang kanyang huling karera kung saan hanggang sa dulo ay kanyang ipinamalas ang isang makabuluhang laban.