-- Advertisements --

Patuloy umano ang pag-aaral ng Department of Health (DoH) para malaman kung mas higit na nakamamatay ang UK Coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant kumpara sa orihinal na covid variant.

Ayon kay Dr Edsel Salvana, Director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines (UP) Manila, premature pa raw na sabihing mas nakamamatay ang naturang variant sa ngayon.

Madali lamang daw sabihin na mas nakakamatay ang bagong variant ng covid pero ikinokonsidera pa rin daw naman nila ng posibilidad na mas mapanganib ang naturang sakit.

Una rito, nagbabala ang mga opisyal ng United Kingdom na posibleng mas nakakamatay ang bagong variant ng COVID-19 na pumutok mula sa kanilang bansa.

Ayon kay UK chief scientific adviser Patrick Vallance, may mga ebidensya nang nagpapakita na maaaring mataas na rin ang tsansa na mamatay ang isang tao, lalo na mga may edad 60-years old pataas na tinamaan ng tinaguriang UK variant.

Halimbawa, kung dati ay 10 lang ang namamatay mula sa 1,000 senior citizen na tinamaan ng normal variant ng COVID-19 virus, ay maaaring umakyat sa 13 hanggang 14 ang bilang ng mamatay dahil sa bagong variant.

Samantala, dahil na rin sa naobserbahang 203 percent increase ng covid positive sa Bontoc, Mountain Province sa nakalipas na dalawang linggo hiniling na ng DoH-Cordillera na dagdagan ang mga contact tracers sa kanilang lugar.

Sa ngayon daw kasi ay mayroon lamang 20 contact tracers ang Bontoc municipal government at nataon pang mayroong 12 nagpositibo doon ng bagong variant ng coronavirus.