Muling tiniyak ng Security, Justice and Peace Cluster ng gabinete na hindi target ng Anti-Terrorism Act of 2020 ang mga aktibista at mga nagkikilos-protesta kundi tanging mga terorista.
Sa pre-SONA forum, binigyang-diin ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr. na batay sa nakasaad sa batas, pangangalagaan ng estado ang mga pangunahing karapatan ng mga tao.
Ayon kay Sec. Esperon, malinaw na nakasaad sa Section 4 ng Anti-Terrorism Law ang mga aktibidad na maituturing na terorismo.
Hindi umano kasama rito ang advocacy, pagtitipon-tipon, pagsasagawa ng kilos-protesta at pagtigil ng trabaho dahil sa paghahayag ng pagtutol sa ilang patakaran sa paggawa taliwas na opinyon sa pamahalaan.
Ibig sabihin, hindi umano maituturing na terorismo ang aktibismo kaya walang dapat na ikatakot sa Anti-Terrorism Law dahil ito ay sadyang para sa mga tao at laban sa mga naghahasik ng terorismo.