-- Advertisements --

Itinaas na ng Philippine Red Cross (PRC) ang full alert status sa buong organisasyon upang masiguro ang kahandaan ng PRC sa anumang posibleng epekto ng Super Typhoon Nando sa iba’t ibang komunidad sa bansa.

Ayon sa Red Cross, aktibo na nilang pinakikilos ang lahat ng kanilang emergency response assets at volunteers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay bahagi ng kanilang contingency plans upang agad na makatugon sa anumang pangangailangan na maaaring lumitaw dahil sa Super Bagyong Nando.

Ang pagpapakilos na ito ay kinabibilangan ng paghahanda ng mga relief goods, medical supplies, at iba pang kagamitan na maaaring kailanganin ng mga apektadong komunidad.

Nakatuon ang PRC sa pagbibigay ng humanitarian assistance sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng bagyo.

Prayoridad ng organisasyon ang kaligtasan ng mga mamamayan at ang pagtiyak na mayroon silang sapat na suporta sa panahon ng kalamidad.

Kaugnay nito, nagbigay na ng direktiba ang PRC sa kanilang Northern at Central Luzon chapter na maghanda para sa posibleng mga paglilikas ng mga residente, pagtugon sa mga medical emergencies, at pagharap sa mga pagkaantala ng mga basic services tulad ng kuryente at tubig.