-- Advertisements --

Nakatakdang isusumite ng binuong sub-group sa susunod na linggo ang kanilang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay sa magiging bagong senaryo pagkatapos ng lockdown sa Abril 30.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na siya ring spokesman ng IATF, kabilang sa nilikom na data ng sub-group ang epidemiological curve ng mga kaso ng COVID-19, ang kapasidad ng bansa na makapagsagawa ng mas marami pang tests, makapag-isolate ng mga pasyenteng may mga sintomas ng COVID-19 at kapasidad na sila ay magamot.

Ayon kay Sec. Nograles, sa Lunes tatalakayin ng IATF ang nasabing rekomendasyon para agad din itong maisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa agarang aksyon bago sumapit ang Abril 30.

Kabilang sa mga nauna ng rekomendasyon sa IATF ay ang dahan-dahang pagtanggal ng enhaced community quarantine (ECQ) sa Luzon o gawin na lamang itong calibrated o selective quarantine, depende sa bilang ng mga nagpositibo ng COVID-19 sa ilang lugar sa Luzon.