Nanawagan si Pope Leo XIV nitong Linggo ng pagkakaisa, katarungan, at pagtigil sa pagsasamantala sa kalikasan at sa mahihirap.
Ang naturang panawagan ay isinagawa matapos ang kanyang unang misa bilang pinuno ng Simbahang Katolika.
Sampung araw matapos mahalal bilang unang Amerikanong Santo Papa, pinangunahan ni Leo XIV — dating si Robert Francis Prevost mula Chicago — ang kanyang inaugural mass sa St. Peter’s Square sa harap ng libu-libong pilgrims at mga lider sa iba’t ibang bansa, kabilang sina US Vice President JD Vance at Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Sa kanyang homily, tinuligsa niya ang mga suliraning dulot ng “poot, karahasan, at sistemang pang-ekonomiyang nagsasamantala sa kalikasan at naghihiwalay sa mahihirap.” Nanawagan siya sa Simbahan na maging isa sa mga pagbabago sa gitna ng kaguluhan sa mundo.
Bilang isang dating misyonero sa Peru, binigyang-diin ni Pope Leo ang pangangailangang tanggapin ang iba’t ibang kultura at paniniwala, at huwag magkulong sa sariling grupo.
Binibigyang-pansin din ng bagong Santo Papa ang kapayapaan at katarungan sa lipunan sa kanyang mga unang pahayag bilang pinuno ng Simbahan.
Ang kanyang pag-upo bilang ika-267 Santo Papa noong Mayo 8 ay umani ng mainit na pagtanggap, lalo na sa Estados Unidos. Gayunman, may ilan ding nagpahayag ng pag-aalala.
Bilang bahagi ng tradisyon, tumanggap si Leo XIV ng pallium at Fisherman’s Ring, na kanyang isusuot habang siya ay nabubuhay at sisirain matapos ang kanyang pagpanaw. Bago ang misa, bumisita rin siya sa libingan ni San Pedro — ang unang Papa ng Simbahang Katoliko.
Samantala puno ng seguridad ang buong Vatican sa naturang okasyon, na dinaluhan din ng mga lider mula sa Europa, Latin America, Israel, at Canada.