Nagpahayag ng lubos na pagdadalamhati ang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Leo XIV sa kamakailang pag-atake ng Israel sa isang simbahan sa Gaza at umapela para sa agarang pagwawakas ng tinawag niyang “barbarity” o kalupitan sa giyera sa Gaza.
Noong umaga ng Huwebes nga nang tamaan ang isang Holy Family church na kumitil sa tatlo mula sa tinatayang 600 Gazans na nakakanlong doon at ikinasugat ng iba pa kabilang ang mismong kura paroko na si Fr. Gabriel Romanelli.
Nitong linggo matapos ang pagdarasal ng Angelus prayer sa kaniyang summer residence sa Castel Gandolfo, pinangalanan at ipinagdasal ng banal na Santo Papa ang tatlong biktima na sina Saad Issa Kostandi Salameh, Foumia Issa Latif Ayyad, at Najwa Ibrahim Latif Abu Daoud na malapit aniya sa kaniya at kanilang pamilya.
Iginiit naman ng Santo Papa na ang naturang pag-atake ay isa lamang sa patuloy na military attacks laban sa mga sibilyang mamamayan at mga lugar ng sambahan sa Gaza.
Kaugnay nito, muling umapela ang Holy Father para sa mapayapang pagresolba sa labanan.
Hinimok din ng Santo Papa ang international community na pairalin ang humanitarian law at irespeto ang obligasyong protekatahan ang mga sibilyan gayundin ang pagbabawal sa kolektibong pagpaparusa, gayundin ang indiscriminate use of force at pwersahang pagpapaalis sa mga mamamayan.
Tinapos ni Pope Leo ang kaniyang apela sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe sa Christian communities sa Middle East, na kaniyang nauunawaan na maliit lamang ang kanilang magagawa sa harap ng mahirap na sitwasyon ngayon at pinasalamatan ang mga ito sa kanilang pagiging saksi sa pananampalataya.
Sa ngayon, umaabot na sa mahigit 2 milyong mamamayan sa Gaza ang na-displace dahil sa giyera na nasa ika-22 buwan na.