-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si Santo Papa Francisco sa mga Indigenous people sa Canada hinggil sa nangyaring pang-aabuso sa mga ito sa mga residential school doon na pinapatakbo ng isang simabahan.

Ito ay matapos na masangkot ang simbahang katolika sa insidenteng nasa 150,000 na katutubong kabataan sa Canada ang nawalay sa kani-kanilang mga pamilya at sapilitang ipinadala sa 139 residential schools kung saan dumanas ang mga ito ng psychological, physical, at sexual abuse noong taong 1800 hanggang 1990.

Ayon sa mga awtoridad, matapos ang maraming mga imbestigasyon na isinagawa sa dating residential school ay natuklasan ang mga walang markang libingan ng mga batang nasa mahigit 4,000 na pinaniniwalaang mga batang kabilang sa mga napaulat na nawawala.

Sinabi ni Pope Francis na narinig na ang mga kwento ng mga pagdurusang ito sa isang pagpupulong na kanyang dinaluhan kasama ang mga survivors mula sa mga grupong First Nations, Metis, at Inuit.

Sa kanyang naging pahayag sa Vatican ay binatikos din ng santo papa ang naturang “ideological colonization” kung saan napakaraming kabataan ang naging biktima at nahirapan.

Samantala, umaasa naman si Pope Francis sa pagkakataon na makapaglakbay ito sa bansang Canada para sa araw ng kapistahan ng Sta. Ana sa darating na Hulyo 26.