Ikinakasa ng gobyerno ang pooled testing bilang isa sa malaking pagbabagong ipatutupad ng gobyerno sa mga susunod na araw kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Una nang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na mag-aanunsyo bukas ng gabi si Pangulong Rodrigo Duterte ng malaking pagbabago sa government response laban sa COVID-19.
Sinabi ni Sec. Roque, sa kanilang impormasyon, tapos na ang ginawang pilot testing para sa pooled testing at isasapinal ito bukas sa meeting ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kasama si Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Roque, kapag ipinatupad na ang pooled testing, maaring umabot na lamang sa P300 ang presyong babayaran ng publiko.
Lalabas daw kasing paghahati-hatian na ng 10 taong isasailalim sa pooled testing ang isang testing kit na nagkakahalaga ngayon ng hanggang P3,000 bawat isa.