-- Advertisements --

Pinaghahandaan na sa ngayon ng Economic Development Cluster ng Duterte administration ang posibilidad na magkaroon ng second wave ng COVID-19.

Ito ang inanunsyo ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado sa pagpupulong kagabi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Avisado, binabalangkas na nila ang kanilang magiging plano sa pondong maaring gamitin ng pamahalaan sa oras na sumirit ang bilang ng mga nahahawa at namamatay ng dahil sa COVID-19.

Sa ilalim ng P4.1 trillion national budget ngayong taon, sinabi ni Avisado na P397 billion ang maaring galawin ng pamahalaan para sa COVID-19 response.

Pero sa naturang halaga, P352.7 billion na ang nagagastos sa laban kontra nakakamatay na sakit.

Gayunman, bagama’t naiipit sa kanilang budget allowance, sinabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez na mayroon pang sapat na pondo para sa COVID-19 response.

Nakausap na rin aniya nila ang Asian Development Bank at World Bank hinggil sa uutangin na USD 5.6-billion. 

“We are making sure na lahat ng gastos natin ay for the benefit ng mga pinakamahirap at nirereserba ang balanse para sa Build, Build, Build (BBB) Project para natapos na itong COVID-19 may pera tayong pag-invest sa BBB at saka we will create jobs and business opportunities with that,” ani Dominguez.

Mababatid na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, pinapahintulutan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-augment, reprogram, reallocate at realign ng pondo para gamitin sa COVID-19 response.