-- Advertisements --

Ikinagulat ng isang political analyst ang naging resulta sa naganap na National and Local Elections nitong nagdaang lunes, Mayo 12 ng kasalukuyang taon. 

Inihayag mismo ni Dr. Dennis Coronacion, political analyst ng Department of Political Science sa University of Santo Tomas na hindi umano niya inaasahan ang kinalabasan lalo na sa botohan ng pagkasenador. 

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa naturang propesor, kanyang ibinahagi ang pagkagulat lalo na sa pag-angat ng ilang kandidato pagkapanalo sa senatorial race. 

Ani kasi niya na base sa kanyang mga nakalap na impormasyon o ulat nitong mga nakaraan, iba ang kinalabasan sa kung ano ang inaasahan ng karamihan. 

Kaya’t giit niya na posibleng maging kaabang-abang ang mga susunod na kaganapan sa pulitika ng bansa lalo na sa nanalong mga kandidato sa senado. 

“Nagulat po ako duon sa if we’re talking about kung sinu-sino ang mga nanalo lalo na sa senado. Nakakagulat po iyon kasi hindi ito yung mga lumabas sa survey,” ani Dr. Dennis Coronacion, political analyst ng Department of Political Science sa University of Santo Tomas.

Gayunpaman, sa kabila ng mga hindi inaasahang resulta ng botohan, itinuring naman ng naturang propesor na ang naganap na eleksyon ay naging payapa at may integridad. 

Naniniwala kasi si Professor Coronacion na may kredibiladad ang naging paghatol o pagboto ng mga Pilipino sa pagkapanalo ng ilan sa pagkasenador.

Kaya naman dahil dito ay hinimok niya ang publiko na makibahagi at makiisang pagnilayan ang resulta ng National and Local Elections 2025. 

Samantala, sa usapin ng pagkabigo ng ilang sikat na personalidad sa kanilang pagtakbo sa pulitika, inihayag ng naturang political analyst na hindi ito pumatok sa mga bumoto ngayong eleksyon.

Paliwanag ni Professor Coronacion na gumamit umano ang mga botante ng kanilang talino at hindi nagpadala sa pagiging sikat lamang ng ilan para kanila itong iluklok sa puwesto.