ILOILO CITY – Sinibak na sa puwesto ang commander ng PNP-Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 6 kasunod ng pagkahulog ng truck sa bangin sa Brgy. Ginomoy, Alimodian, Iloilo kung saan apat na pulis ang patay habang 26 naman ang nasugatan.

Sa press conference, inihayag ni Police Regional Office (PRO)-6 Director PBGen. Rene Pamuspusan, pansamantala munang itatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit si PLt. Col. Leo Batiles.

Dahil dito, si PLt. Col. John Lemuel Villafranca na ang magsisilbing commander ng RMFB-6.

Samantala, ipinag-utos na rin ni Pamuspusan na ang Deputy Regional Director For Administration ang mamumuno ng imbestigasyon hinggil sa nangyaring aksidente.

Tiniyak ng Regional Director na mabibigyan ng tulong ang pamilya ng mga biktima lalong-lalo na ang pamilya ng apat na pulis na binawi-an ng buhay.

-- Advertisement --

Napag-alaman na sa unang data na ipinalabas ng PRO-6, 32 ang sakay ng truck ngunit nilinaw ni Pamuspusan na 30 lang ang sakay ng truck dahil naiwan sa kampo ang dalawang pulis.