Makatatanggap na ng mas murang bigas ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng bagong partnership kasama ang Department of Agriculture (DA) at ang Kadiwa ng Pangulo.
Sa ilalim ng inisyatibang tinawag na “Benteng Bigas, Meron Na sa WGP,” maaaring bumili ang mga benepisyaryo ng bigas sa halagang P20 kada kilo mula sa mga DA-accredited retailers at Kadiwa outlets.
Opisyal na inilunsad ang programa sa isang food redemption activity sa Barangay 69, Tondo, Maynila nitong Huwebes, Hulyo 10.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, layunin nitong gawing abot-kaya ang masustansyang pagkain para sa mga pamilyang pinaka-nangangailangan.
Makikinabang dito ang mga solo parent, senior citizen, at persons with disabilities na rehistrado sa WGP.
Una rito bawat pamilya ay tumatanggap ng P3,000 buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit cards ng ahensya, na magagamit sa pagbili ng bigas at iba pang pagkain.
Sinabi naman ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bukod sa pagtulong sa mahihirap, nakatutulong din ang programa sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa patas na halaga.
Target ng WGP na maabot ang 750,000 pamilyang benepisyaryo pagsapit ng 2028. Habang 300,000 pamilya na ang natulungan ng programa.