Walang problema sa Philippine National Police (PNP) kahit wala pang itinalaga si Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang bagong hepe.
Ito ang binigyang-diin ni PNP officer-in-charge PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa kaugnay ng utos ng Pangulong Duterte kay Interior Sec. Eduardo Año na pansamanatalang pangasiwaan ang kapulisan habang hindi pa ito nakakapili ng susunod na pinuno.
Paliwanag ni Gamboa, nang umupo siya bilang OIC, lahat din naman ng kanyang mga aksiyon ay subject sa approval ng National Police Commission na pinamumunuan ni Año.
Kaya naman patuloy lang din aniya ang superbisyon ni Año sa PNP sa huling direktiba ng Pangulo.
Dagdag ni Gamboa, wala din aniyang nagbago sa kanyang tungkulin bilang OIC.
Siniguro ni Gamboa na normal ang lahat ng operasyon ng PNP at tuloy tuloy lang ang kanilang law enforcement Operations kahit wala pang bagong PNP Chief.